Mga Balita Sa Pnas, Agosto 23
mula sa abante.com
PUMAPASADANG KABAONG UBUSIN NA! -- PNOY
Rose Miranda
Desidido ang pamahalaang Aquino na walisin sa kalye ang mga pumapasadang kabaong o rolling coffins na pangunahing dahilan ng tumataas na bilang ng mga aksidente sa lansangan.
Nagpalabas kahapon ang Malacañang ng mga serye ng kautusan sa mga sangkot na ahensya ng gobyerno at transport sector kung paano malilimitahan ang mga major road accidents sa bansa.
Sa panayam ng Radyo ng Bayan, sinabi ni Communications Group Secretary Herminio Coloma na una na nilang isusulong ang pag-uutos sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na i-review ang aspeto ng “road engineering” sa ilang national highways dahil posible na hindi ligtas o hindi maayos ang konstruksyon nito para sa mga bumibiyahe, ikalawa ang pagsuri sa road worthiness ng mga bumibiyaheng public utility vehicles (PUVs), ikatlo ang pag-review sa kwalipikasyon ng mga PUV drivers, pagsilip sa prangkisa ng mga PUV operators upang madetermina kung kumpleto ang dokumento ng mga ito; at panghuli ang mas maigting na komunikas*yon sa mga bus operators, sa mga probinsya man o sa Metro Manila upang ipaalala sa mga ito ang kahalagahan ng road safety.
“Kailangan po na ma*lawakan at komprehensibo ang solusyon dito,” ani Coloma.
Ibinaba ng Palasyo ang kautusan matapos ang malagim na Benguet road accidents kamakailan na kumitil sa buhay ng 40-katao at ang pagkasawi ni 2009 Bini*bining Pilipinas Melody Gersbach at dalawang kasamahan sa Bula, Camarines Sur.
Intel fund ni PNoy, kursunadang tapyasan
Dindo Matining/Rose Miranda
May posibilidad na pag-aaralan ng liderato ng Senado kung dapat bang tanggalin o hindi ang P500 milyon intelligence funds ng Office of the President (OP).
Ayon kay Senate President Juan Ponce Enrile, pag-uusapan umano nila ng Senate committee on finance na pinamumunuan ni Sen. Franklin Drilon sa gagawing budget deliberation kung dapat bang alisin o hindi ang intelligence ng OP.
“I can talk to the chairman of the finance committee,” pahayag ni Enrile sa panayam ng dzBB.
Sinabi ni Enrile na hindi umano “entitled” ang OP sa intelligence funds dahil naman umano sa “gathering unit” ang tanggapan ng Pangulo kundi “user” lamang ng intelligence funds.
“Sa totoo lang ang opisina ng presidente are not entitled to intelligence fund, it is user of the intelligence fund. It is not gathering unit of intelligence. Saka the president can utilize intelligence fund of any government agency under the executive department because he is the Chief Executive,” ani Enrile.
Ayon pa sa senador, bago napunta sa intelligence funds sa OP, ito ay pondo umano para sa intelligence fund ng President Anti-Organize Crime Task Force (PAOCTF) noong panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada.
“Noong mawala si Erap, ‘di na PAOCTF ang gumamit, napunta na Office of the President (ng nagdaang administrasyon),” saad pa ni Enrile.
Bilang reaksyon, sinabi nina Communications Group Secretaries Hermi*nio Coloma at Ricky Carandang na dahil hindi pa nila nakikita ang panukala ay mas nais nila na mabasa at mapag-aralan muna ito bago magbigay ng opisyal na posisyon hinggil dito.
Inamin ni Coloma na masusing pag-aaral ang kinakailangang gawin ng ehekutibo sa nasabing panukala ni Enrile.
“Need to study this proposal more thoroughly,” ani Coloma sa Abante.